Saturday, October 31, 2009

Maka-Kristiyano ba ang Halloween?

ANO NGA BA ANG HALLOWEEN?
TURO BA NG SIMBAHAN ANG HALLOWEEN?
MAS MAHALAGA BA ANG PAGDIRIWANG NG HALLOWEEN KAYSA TAMANG PAGDIRIWANG NG ARAW NG MGA SANTO AT ARAW NG MGA KALULUWA?

Marami ang Katoliko sa pananampalataya ngunit hindi lubusang nauunawaan ang marami sa kanilang mga nagisnang paniniwala. Marami sa atin ang hindi lubusang umuunlad sa pang-espiritwal na pamumuhay. Marahil ay di sapat ang pag-aaral ng tamang doktrina at katesismo ng simbahan. Bagama’t dumadalo sa Banal na Misa kung araw ng Linggo, marami ang nananatiling mangmang sa tamang turo ng simbahan dahil sa kakulangan ng pag-aaral o di kaya’y sa katigasan ng ulo.

Ang katigasan ng ulo ay isa sa mga bagay na bumubulag sa maraming mananampalataya. Pinaniniwalaan nilang tama ang kanilang mga nagisnan mula pagkabata, na di umano’y turo ng mga nakatatanda na kung pag-aaralan ay hindi turo ng simbahan o kaya nama’y labag sa tunay na aral ng Banal na Bibliya.

Ang Knights of Saint Benedict Catholic Lay Deliverance Team ay naglalayon na imulat ang marami sa mga bagay na naglalayo sa tao sa Diyos dahil sa pagsuway (disobedience). Ang pagsuway, bunga ng pride ay nag-uugat sa turo at bulong ng kaaway ng kaluluwa, ang demonyo. Naninindigan ang Knights of Saint Benedict sa kahalagahan ng pagsunod (obedience) at katapatan sa simbahang Katoliko (fidelity to the Catholic Church) upang malayo sa tukso at pananakit ng masasamang espiritu.

Ang turo ng simbahan: SUMUNOD KAY KRISTO. MANALIG AT MANAMPALATAYA SA DIYOS.

ANG HALLOWEEN BA AY PAGSUNOD KAY KRISTO? NAGPAPAKITA BA ITO NG PANANALIG AT PANANAMPALATAYA SA DIYOS?

Ang sagot, HINDI. Kung hindi ito turo ng simbahan, kung hindi ito nagpapakita ng pagsunod kay Kristo na manunubos, kung hindi ito gawain ng nananalig at nananampalataya sa Diyos, sino ang may turo nito? Sa pagdiriwang ng Halloween, sino ang nalulugod, ang Panginoon ba o ang kaaway ng kaluluwa?

Nalulugod ba ang Panginoon sa pagtutulad ng mga Kristiyano sa kanilang sarili sa mga halimaw, multo, at iba pang mga nakakatakot na nilalang? Nalulugod ba ang Panginoon sa paghalintulad natin sa mga kasuotan (costume) at mga anyo ng mga masasamang nilalang habang pumaparada sa kalsada?

Kung pumarada sa kalsada sa pamamagitan ng relihiyosong prusisyon ng mga imahen ng mga santo at larawan ng Birheng Maria at ni Hesus, hindi ba’t ito’y paraan ng pagdiriwang ng kaluwalhatian ng Diyos sa katauhan ng mga santo nang sila’y nabubuhay pa sa lupa? Paano kung ang iparada sa kalsada ay mga maskara at kasuotan ng mga halimaw, multo at mga nilalang na may sungay, padiriwang pa rin ba ito ng kaluwalhatian ng Diyos? O ito’y isang pagdiriwang ng “kultura ng kamatayan at kasamaan sa mundo” (culture of death)?

ANO ANG HALLOWEEN?

Mula sa “all hallow’s eve”, ang gabi bago ang Araw ng mga Santo (Nob.1). Ang mga gawain dito ay walang kaugnayan sa Kristyanismo. Ang mga gawain dito ay kahalintulad ng mga kaugalian ng sinaunang Celtic at Druid practices na kung saan ang “Halloween” ay pista ng pagdiriwang at pagpupuri kay Samhain (tunog “sow’en”) na isang panginoon ng kamatayan (Lord of Death). Maging ang namana nating trick or treat ay kasama sa mga gawaing may nakatagong motibo (hidden evil motives) upang maghasik ng lagim ang masasamang espiritu.

Mula sa St. Padre Pio Deliverance Center:

One source of trick or treat aspect of Halloween is from the belief that on this night, evil spirits, demons & witches would roam to greet the season of winter darkness. These “spirits” would be mischievous & threatening, scaring & playing tricks on people. Today, we seem to encourage kids to perform vandalism & other crimes or mischief. The Celtics believe that the only way to drive away these mischievous spirits was to bribe them with treats or dress up & act like them”.

Sa halip na ipagdiwang ang culture of death, itinuturo ng simbahang Katolika ang pag-aaral sa buhay ng mga santo upang maging inspirasyon ng mga Kristyano ang kanilang pamumuhay noon kung paanong sila’y sumunod sa mga yapak ni Kristo nang may buong pananalig at pagtitiis hanggang kamatayan. Itinuturo din ng simbahan na sa panahong ito ng pagdiriwang sa pista ng mga santo at araw ng mga kaluluwa, ang mga tunay na Kristyano Katoliko ay magkaroon ng banal na pagdiriwang ng okasyon sa pamamagitan ng makabuluhang pagdalo sa Banal na Misa at pag-aalay ng mga panalangin upang matulungang maligtas ang marami pang kaluluwa sa purgatoryo.

PAGPALAIN NAWA TAYO NG PANGINOONG LUMIKHA AT ILIGTAS TAYO SA LAHAT NG MASAMA. Amen.

San Benito, ipanalangin mo kami.

(May akda: Bro. Arnold)

No comments:

Post a Comment