Friday, December 23, 2011

Bendisyon ng Buong Katolikong Pamilya at Tahanan, Ngayong Pasko at Bagong Taon

BENDISYON NG BUONG KATOLIKONG PAMILYA AT NG TAHANAN

(Maaaring gawin sa pagsalubong sa Araw ng Pasko o sa unang araw ng Bagong Taon)

(Maaaring Pamumunuan ng Ama o ng Ina, o ng sinumang Pinuno ng Pamilya)

Mga dapat ihanda:

1. Malinis na Altar

2. Crucifix

3. Imahen ng Mahal na Birhen (mainam kung Two Hearts of Jesus and Mary)

4. Catholic Bible

5. Puting kandila (para sa altar at sa mga miyembro ng pamilya)

6. Holy Water (sapat na dami para sa sariling tahanan)

7. iba pang mga banal na larawan kung mayroon

8. Mainam kung ang lahat ng miyembro ng pamilya ay nasuotan ng pari ng Brown Scapular

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Pinuno ng pamilya: Sumaatin nawa ang kapayapaan ng Panginoon.

Lahat: AMEN.

Awit ng Papuri: Purihin ang Panginoon, o iba pang angkop na awit

PAGBASA NG SALITA NG DIYOS

Pinuno ng pamilya o miyembro na taga-basa:

Ang Salita ng Diyos ayon sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas (3:12-17, 23-34)

Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa Kanya at minamahal Niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit sa isa’t-isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo sapagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pamamagitan Niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.

Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyong magaan sa kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao lamang. Alam naman ninyong gagantimpalaan kayo ng Panginoon; tatanggapin ninyo ang inilaan Niya sa kanyang mga anak. Sapagkat si Kristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo.

Ang Salita ng Diyos.

Lahat: Salamat sa Diyos

PANALANGIN NG BAYAN

Pinuno ng pamilya: Ngayo’y manalangin tayo upang hilingin ang pagpapala ng Diyos sa tahanang ito.

Nawa’y maligtas ang mga taong nakatira dito sa kamay ng demonyo at sa pang-aakit ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y tamasahin namin ang makalangit na katiwasayan at kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y makaiwas kami sa panghihikayat ng masasamang espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y maging bukas ang aming mga puso sa pangangailangan ng aming kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y maghari sa bawa’t isa sa amin ang pagmamahal sa kapwa at sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y maging magandang halimbawa ang aming buhay-Kristiyano sa aming mga kapitbahay, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y mapuno ang tahanang ito ng halakhak ng mga mapagmahal at malulusog na mga bata, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y pabanalin ng Diyos Ama ang aming mga gawain at gantimpalaan ng sagana ang mga ito, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y pagaanin ng Diyos Ama ang aming mga tiisin at suliranin at kami’y aliwin sa mga panahon ng pagsubok, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Nawa’y mamuhay kaming magkakasambahay nang may pagkakaunawaan at pagmamahalan nang sa gayo’y ganito rin kami mamuhay sa tahanan ng Diyos balang araw, manalangin tayo sa Panginoon.

Lahat: PANGINOON, DINGGIN MO KAMI.

Pinuno ng pamilya: Panginoong Hesukristo, isinasamo namin sa Iyo, pabanalin ang tahanang ito at bigyan Mo ng masaganang pagpapala at kapayapaan. Nawa’y datnan kami ng kaligtasan. Nawa’y makapamuhay kami nang buong linis, nang naaayon sa Iyong kalooban at tanggapin Mo kami na makapamuhay sa Iyong tahanan sa langit balang araw. Ito’y hinihiling namin sa Iyo, Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Lahat: AMEN.

AMA NAMIN…… (maaaring awitin)

PAGBEBENDISYON:

Pinuno ng pamilya: Wala tayong magagawa tungo sa ating ikaliligtas kung hindi tayo tutulungan ng ating Panginoong Diyos. Hilingin natin sa Kanya na pangalagaan ang bawat sandali ng buhay ng mga naninirahan sa ilalim ng bubong ng tahanang ito.

Bendisyonan ang PINTUAN (mag-antanda ng Krus kapag nakita ang +)

Pinuno ng pamilya: O Diyos, aming Ama, sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Iyong Anak na si Hesukristo ay binuksan Mo sa amin ang pintuan ng langit upang aming maging tahanan. Pagpalain Mo + itong pintuan ng tahanang ito upang walang bagay na nakapipinsala ang makapasok dito at upang ito’y mamalaging bukas sa mga taong nangangailangan ng tulong. Ito’y hinihiling namin sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon.

Lahat: AMEN.

(wisikan ng Banal na Tubig ang pintuan)

Bendisyonan ang SALAS (mag-antanda ng Krus kapag nakita ang +)

Pinuno ng pamilya: Ama, niloob Mo na ang tao ay mamuhay na kabilang ng isang pamilya. Pagpalain Mo + itong salas na siyang pinagtitipun-tipunan ng mga naninirahan dito. Nawa’y ang buong sambahayan ay makatagpo rito ng pahinga at katiwasayan ng loob. Manatili sana kaming nagmamahalan sa isa’t isa upang ang sinumang bumisita sa amin ay matuto sa aming magandang halimbawa. Ito’y hinihiling namin sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon.

Lahat: AMEN.

(wisikan ng Banal na Tubig ang salas)

Bendisyonan ang KUSINA (mag-antanda ng Krus kapag nakita ang +)

Pinuno ng pamilya: Aming Ama, nilikha Mo kaming espiritu at laman, katawan at kaluluwa. Kaya pagpalain Mo + ang kusinang ito na siyang pinaglulutuan ng pagkain ng sambahayan. Nawa’y magampanan namin nang buong husay ang aming mga tungkulin sa pagtanggap namin ng kinakailangan ng aming katawan. Gayundin naman, nawa’y maala-ala namin nang may pagmamahal, ang mga taong nagugutom at nauuhaw. Ito’y hinihiling namin sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon.

Lahat: AMEN.

(wisikan ng Banal na Tubig ang kusina)

Bendisyonan ang SILID NG MGA ANAK AT MGA BATA

(mag-antanda ng Krus kapag nakita ang +)

Pinuno ng pamilya: Hesus, ipinakita mo sa amin kung gaano Mo kamahal ang mga bata. Sila’y Iyong niyayakap at binedendisyonan.. Gayun din naman, pagpalain Mo + ang (mga) silid na ito upang ang mga bata’y lumaking malulusog, bukas-palad, mapagpakumbaba at nagmamahal sa katarungan. Ilayo Mo sila sa masasama. Nawa’y mapasa-kanila ang Iyong kapayapaan at nawa’y ang buo nilang buhay ay maging magagandang awit ng papuri sa Iyong Pangalan, Ikaw na nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo magpakailanman.

Lahat: AMEN.

(wisikan ng Banal na Tubig ang [mga] silid ng [mga] anak)

Bendisyonan ang SILID NG MGA MAGULANG AT MGA MAG-ASAWA

(mag-antanda ng Krus kapag nakita ang +)

Pinuno ng pamilya: Ama, sa pamamagitan ng Sakramento ng Kasal, ginawa Mo ang lalake at ang babae na makihati sa Iyong mapagbungang pagmamahal. Isinasamo namin na pagpalain Mo + ang (mga) silid na ito upang ang (mga) mag-asawa sa tahanang ito ay mamuhay nang tahimik at may pagmamahalan. Nawa’y maging tapat ang lahat sa isa’t isa at nawa’y makamtan ng lahat ang Kaharian Mo kasama ang mga supling at iba pang mga kasambahay, sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon.

Lahat: AMEN.

(wisikan ng Banal na Tubig ang [mga] silid ng magulang at mag-asawa)

PANGKALAHATANG BENDISYON (mag-antanda ng Krus kapag nakita ang +)

(makabubuting isagawa sa harapan ng altar)

Pinuno ng pamilya: Panginoong Diyos na makapangyarihan, pagpalain Mo + ang tahanang ito. Nawa’y magkaroon dito ng kalusugan, kalinisan, pagwawagi laban sa kasalanan, lakas ng pagkakaisa at pagmamahalan, pagpapakumbaba, kabutihang-loob at kahinahunan, buong pusong pagtalima sa Iyong Banal na kalooban at pagpapasalamat sa Diyos Ama, at Anak, at Espiritu Santo. Nawa’y manatili ang pagpapala Mo sa tahanang ito at sa mga taong nananahan dito sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon.

Lahat: AMEN.

PANGWAKAS NA PANALANGIN

Pinuno ng pamilya: Magpasalamat tayo sa Diyos sa Kanyang mga pagpapala. Mula ngayon, ang tahanang ito ay pag-aari na ng Maykapal at dahil dito, Siya ang magkakalinga nito. Ang nagmamay-ari ng tahanang ito ay si Hesukristo na naging tao alang-alang sa atin, namatay sa Krus dahil sa ating kasalanan, nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw at ngayo’y nasa langit at naghihintay na makaparitong muli upang hukuman ang mga buhay at mga patay. Mula ngayon, ang tahanang ito ay natatatakan magpakailanman ng matagumpay na tanda ng Krus. Nawa’y pangalagaan ng ating Panginoon sa Kanyang pagmamahal ang mga taong dito’y nananahan.

Lahat: AMEN.

Aba Ginoong Maria… Luwalhati….

Awit na Pangwakas:

O Sacred Heart

O Sacred Heart, O Love Divine

Do keep us near to Thee

And make our hearts, so like to Thine

That we may holy be

Heart of Jesus, hear, O Heart of Love Divine

Listen to our prayer, make us always Thine.


Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

MALIGAYANG PASKO PO AT MAPAGPALANG BAGONG TAON.

· Ang mga panalangin at format ay hango sa maliit na aklat “Ang Pagbebendisyon ng Tahanan” sa salin ni Rev.Fr. Amado S. Cruz, S.J.

· Isina-ayos para sa proyektong pampamilya ni Bro.Arnold A.Alcala,T.O.C. para sa Knights of Saint Benedict , upang maging angkop na gamit ng isang pamilya sa pamumuno ng laikong tagapaglingkod sa simbahan, ama o ina ng tahanan, o ng iba pang pinuno ng Katolikong pamilya.

· Gawin lamang ang mga panalangin nang pribado, sa sariling pamilya at tahanan. Hindi nais ng mga panalanging ito ang palitan, tumbasan o higitan ang pamumuno ng Kura Paroko sa mga pamilyang kanyang nasasakupan. Lumapit sa inyong mga pari bilang Espirituwal na Tagapag-payo.

No comments:

Post a Comment